MANILA, Philippines – Tumaas ng halos P25 milyon ang perang nakukuha ng Philippine Sports Commission (PSC) mula PAGCOR nitong nakaraang buwan.
Ayon kay PSC chairman Ricardo Garcia umabot sa P80 milyon ang nai-remit ng PAGCOR sa PSC na napupunta sa National Sports Development Fund (NSDF) ng ahensya.
“For so many months the PSC is getting P50 to 55 million from PAGCOR.Pero the past months, the remittance came in the tune of P80 to P85 million for an increase of P25 million. We really welcome the increase,” ani Garcia.
Dahil buo na ang budget para sa mga NSAs sa taong ito kaya’t ang dagdag na pera ay ipapasok sa budget ng PSC sa susunod na taon.
May plano naman si Garcia na gamitin ito para itaas pa ang nakukuhang allowances ng mga atleta, partikular na ang mga naghahatid ng karangalan sa bansa.
Bukod pa ito sa mga coaches at ang posibilidad na taasan ang bilang ng mga developmental pool lalo pa’t dito papasok ang mga bagong mukha na nadiskubre sa mga grassroots program ng PSC na Batang Pinoy at Philippine National Games.
Nasabi na ito ni Garcia sa Philippine Olympic Committee (POC) sa isinagawang expanded board meeting noong Miyerkules.
Sang-ayon si POC president Jose Cojuangco Jr. sa plano ni Garcia na taasan ang pondo sa developmental pool.