FIBA iniurong ang desisyon sa Olympic Qualifying Tournaments bid

MANILA, Philippines – Mula sa orihinal na petsang Nobyembre 23 ay iniurong ng International Basketball Federation (FIBA) ang paghahayag ng mga nanalo para sa pamamahala sa tatlong Olympic Qualifying Tournaments (OQT).

Inihayag kahapon ng FIBA Executive Committee na ang pag-aatras ng kanilang desisyon sa Enero 19, 2016 ay bunga ng “technical reasons” na hindi na nila nilinaw.

Ang letter of communication ay ibinigay ng FIBA sa mga presidente at secretary general ng mga natio­nal federations ng Pilipinas, Czech Republic, Germany, Greece, Iran, Israel, Italy, Mexico, Serbia at Turkey.

Ito ay nilagdaan ni FIBA secretary-general Patrick Baumann.

Hangad ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na makuha ang isa sa tatlong Olympic qualifying tournaments na sabay-sabay idaraos sa Hulyo 5-11, 2016.

Kung magtatagumpay ang SBP ay may tsansang makamit ng Gilas Pilipinas ang tiket para sa 2016 Olympic Games sa Rio De Janeiro, Brazil.

Nabigo ang Gilas Pilipinas na masikwat ang nag-iisang Olympic berth sa nakaraang 2015 FIBA Asia Championship sa Changsha, China matapos matalo sa nagkampeong Chinese team.

Ang tatlong bansang magkakampeon sa tatlong magkakahiwalay na Olympic qualifying meets ang siyang makakapaglaro sa 2016 Rio Olympics.

Naisumite na ng SBP sa pamamahala ni Manny V. Pangilinan ang lahat ng bidding requirements sa Geneva headquarters ng FIBA bago ang deadline noong Nobyembre 11.

Dahil sa pagbabago ng petsa ng desisyon para sa tatlong mananalong bider ay iaatras din ng FIBA ang OQT Draw Ceremony sa Enero 26, 2016 mula sa dating Nobyembre  24, 2015 na petsa.

 

Show comments