MANILA, Philippines – Aalis ngayon araw ang delegasyon ng Philippine Swimming League (PSL) patungong Tokyo, Japan para lumangoy sa 2015 Japan Swimming Championship na gaganapin mula Nobyembre 14 hanggang 17.
Ang koponan ay binubuo ng 16 tankers na magtatangkang humablot ng medalya sa naturang kumpetisyon na lalanguyan ng mahuhusay na swimmers sa rehiyon kabilang na ang powerhouse China at host Japan.
Mangunguna sa delegasyon sina Swimmers of the Year Sean Terence Zamora ng University of Santo Tomas at Kyla Soguilon ng Kalibo Sun Yat Sen School, kasama sina Micaela Jasmine Mojdeh ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque, Drew Magbag, Lans Rawlin Donato at Charize Esmero ng University of the Philippines.
Sina Paul Christian King, Paula Carmela Cusing, Rio Lorenzo Malapitan, Heather White, Ruben White, Kobe Soguilon, Edmundo Jose Tolentino, Juana Amor Cervas, Lucio Cuyong II at Angela Claire Torrico ang kukumpleto sa mga panlaban ng PSL.
Walang ibinigay na medal forecast si PSL president Susan Papa ngunit tiwala siyang mabibigyan ng mga isasabak na swimmers ng magandang laban ang mga katunggali.