Laro Bukas
(The Arena, San Juan City)
5 p.m. IEM vs Navy
MANILA, Philippines - Tinapos ng PLDT Home Ultera Fast Hitters ang apat na sunod na panalo ng Air Force-Airmen sa 23-25, 25-21, 25-21, 25-14 tagumpay sa Spikers’ Turf Reinforced Conference noong Linggo sa The Arena sa San Juan City.
Hindi napigilan ng Airmen ang maalab na laro ni Mark Alfafara para lasapin ang unang pagkatalo matapos ang apat na dikit na panalo sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
May 25 puntos si Alfafara na nagmula sa 20 attack points at limang blocks.
Angat lamang ang PLDT ng tatlong attack points sa Air Force, 49-46, pero lumutang ang kanilang blocks, 10-5 at si Kheeno Franco ay naghatid pa ng dalawang blocks.
Magkatabla ang Airmen at Cignal HD Spikers sa unang puwesto sa 4-1 karta pero ang una ang lalabas na number one team dahil sa bitbit na 12 puntos laban sa 11 ng Cignal.
Ang PLDT ang number three team sa 3-2 baraha habang ang IEM Volley Masters at Navy Sailors na may magkatulad na 1-3 karta, ang maglalaban bukas para sa ikaapat at huling puwesto sa semifinals.