Goodbye Olympics sa Philippine Volcanoes

MANILA, Philippines - Tinalo ng Philippine Volcanoes ang Singapore, 22-12, para tumapos sa ikapitong puwesto sa 10 koponan na naglaban-laban sa Asia Rugby Sevens Qualifier sa Hong Kong Stadium.

Pakonsuwelo lamang ang puwestong tinapos ng men’s national rugby team dahil naunang naniwala ang pamunuan ng koponang kinilala bilang kampeon sa Singapore SEA Games noong Hunyo na magiging palaban sila sa puwesto para sa 2016 Rio Olympics.

Ngunit ang koponan na nalagay sa Pool  B ay natalo agad sa Malaysia, 10-15 at Hong Kong, 0-29 at kahit nanalo sa Iran, 38-10, ay inilampaso uli sila ng Sri Lanka, 5-50.

Nagkaroon ang bansa na mapalaban sa Plate pero natalo uli sa China,15-26, upang maikasa ang battle-for-seventh place kontra Singapore na dinaig ng Malaysia, 31-10.

Ang number one kopo­nan sa Asia na Japan ang siyang kinilalang kam­peon nang tinalo ang host Hong Kong, 24-10  upang makuha ang karapatan na maglaro sa Rio Olympics.

Ang Hong Kong at mga semifinals na Sri Lanka at South Korea ay sasali naman sa cross-continental ‘repechage’ tournament sa 2016  para makakuha ng slot sa Rio Games.

 

Show comments