Bryant inihatid ang Lakers sa unang panalo

NEW YORK – Habang malugod niyang tinatanggap ang mga papuri at pa­lakpakan ng kanyang mga fans, mas gusto ni Kobe Bryant na lisanin ang court bit­bit ang panalo.

Kumamada si Bryant ng 18 points para tulungan ang Los Angeles Lakers sa 104-98 paggiba sa Brooklyn Nets para sa kanilang unang panalo matapos ang 0-4 panimula.

Sa kanyang ika-20 NBA season at nilabanan ang iba’t ibang injuries, hindi ma­tiyak ni Bryant kung ito na ang katapusan ng kan­yang career.

“I have so much appreciation for the game. If this is the last time, I'm fine with that,” sabi ni Bryant. “I feel at peace with that.”

Nadagdag sina rookie D'Angelo Russell at Fil-Am Jordan Clarkson ng tig-16 points para sa Lakers na na­g­laglag sa Nets sa 0-6.

Nagtayo ang Lakers ng 11-point lead bago ito na­pababa ng Nets sa tat­l­ong puntos sa huling 30 segundo ng fourth quarter.

Nakapuwersa ang La­kers ng five-second violation sa inbounds pass ng Nets kasunod ang isinalpak na apat na sunod na free throws ni Bryant pa­ra sa kanilang 102-95 abante.

Kumolekta si Brook Lo­pez ng 23 points at 10 rebounds para sa Nets, ha­bang nagdagdag si Joe Johnson ng 22 points.

Sa Oakland, California, nagpasabog si Curry ng 34 points at 10 assists para pa­munuan ang nag­de­de­­pensang Golden State Warriors sa 119-104 pagpapatumba sa Denver Nuggets at manati­ling walang talo ngayong sea­son.

Naglista si Curry ng 30 points sa lima sa una ni­yang anim na laro para ma­ging unang Warriors player na makagawa nito matapos si Hall of Famer Rick Barry noong 1974-75.

Si Hall of Famer Chris Mullin ang pinakahuling pla­yer na nakapaglista ng 25 points sa una niyang anim na laro noong 1990-91.

Nag-ambag naman si Harrison Barnes ng 21 points para sa Golden State, habang kumolekta si Fes­tus Ezeli ng career-high na 16 points, 7 rebounds at 2 blocked shots.

Sa hawak na 6-0 record, na­sa kanilang pinakamagandang panimula ang Golden State sa kanilang prangkisa sa West Coast era simula noong 1962-63.

Show comments