PLDT Lady Hitters pasok sa semifinals
Laro Ngayon (The Arena, San Juan City)
12:45 p.m. – Army vs Coast Guard
3 p.m. – UP vs Kia Forte
MANILA, Philippines – Hindi nasira ang kumpiyansa ng PLDT Home Ultera Fast Lady Hitters sa pagkatalo sa second set para angkinin ang 25-20, 20-25, 25-13, 25-13 panalo sa Navy Lady Sailors sa Shakey’s V-League Season 12 Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nagtulung-tulong muli sina Aiza Pontillas, Janine Marciano, Rysabelle Devanadera at Gretchel Soltones upang madomina ang ikatlong set at mabalik ang momentum sa koponan.
Ito na ang ikatlong panalo sa apat na laro ng PLDT para samahan ang walang talong Army Lady Troopers sa semifinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
Tumapos si Pontillas taglay ang 13 kills at tig-isang block at ace tungo sa 15 puntos, habang si Marciano ay may 15 puntos din.
Si Devanadera ay may 13 at si Soltones ay may 10 para sa solidong opensa ng Open Conference champion.
Dominado ng PLDT ang lahat ng departamento nang hawakan ang 52-41 bentahe sa spike, 6-4 sa block at 12-2 sa serve.
Si Lizlee Ann Pantone ay may 15 excellent digs para sa 40-36 kalamangan pa ng PLDT, habang si Rubie de Leon ay may 33 excellent sets.
Sina Pau Soriano at Lilet Mabbayad ay may 17 at 12 puntos para sa Lady Sailors.
- Latest