Gin Kings susubukan sa Aces ang ‘Triangle Offense’
Laro Ngayon
(Dubai)
7 p.m. Alaska vs Ginebra (Dubai time)
MANILA, Philippines – Sa pagdayo sa ibang bansa umaasa ang Barangay Ginebra na makakatikim na ng panalo sa Smart Bro PBA Philippine Cup.
Sa ganap na alas-12 ng hatinggabi (Manila time), makikipagtagisan ang Gin Kings sa Alaska Aces na siyang tatapos sa dalawang laro ng liga sa Al Wasl Sports Club sa Dubai.
Talunan ang Gin Kings sa naunang dalawang laro para makasalo ang Meralco Bolts at Mahindra Enforcers sa huling puwesto sa 12 koponan.
Ang Mahindra ay nagtangka rin ng unang panalo laban sa Aces kagabi sa nasabing venue.
Si Tim Cone na ang dumidiskarte sa Ginebra pero hindi pa kabisado ng mga manlalaro ang pinatatakbong plays para sa di magandang panimula.
“We’re not where we want to be at this point,” wika ni Cone.
Lumamang ang Gin Kings ng 21 puntos laban sa Barako Bull pero matapos ang laro ay natalo pa sila,79-82. Bago ito ay yumuko ang Ginebra sa dating koponang hawak ni Cone, ang Star Hotshots, 78-86.
Kailangang makita na ang larong dapat makita dahil ang Aces ay isa sa maagang nagpapasikat sa liga.
Ang tropa ni coach Alex Compton ay may dalawang dikit na panalo bago ang magkasunod na laro sa Dubai.
Magandang depensa at pagtutulungan ng mga ginagamit na manlalaro ang ipakikita uli ng Aces para walisin ang dalawang out-of-town games at pansamantalang maagaw ang liderato sa Rain or Shine na may 3-0 baraha.
Ito ang ikalimang pagkakataon na ang Gin Kings ay maglalaro sa naturang bansa na ang huli ay sa Governor’s Cup kung saan tinalo nila ang Elasto Painters, 93-81 na iminando ni Frankie Lim.
Nais naman ng Aces na gumawa ng impresibong performance sa pagwalis ng kanilang dalawang asignatura.
- Latest