MANILA, Philippines – Itinalaga ng Philippine Swimming League (PSL) si Joan Melissa Mojdeh para maging National Capital Region (NCR) director.
Magiging papel ni Mojdeh ang tumulong na palakasin ang grassroots program sa NCR upang patuloy na makatulong ang PSL sa paghubog ng mga manlalangoy na maaaring magbigay ng karangalan sa bansa sa malalaking torneo sa hinaharap.
Si Mojdeh ay graduate ng BS Biology sa FEU at siya ang ina ni Micaela Jasmine na nanalo ng gintong medalya sa mga torneong sinalihan ng PSL sa Australia, Singapore, Hong Kong at Thailand.
“We need someone like her. She has a complete passion and great heart for swimming. Marami siyang natutulungang swimmers lalo na yung mga nangangailangan talaga. Alam din niya ang mga nangyayari sa swimming community,” wika ni PSL president Susan Papa.
Maluwag na tinanggap ni Mojdeh ang bagong trabaho sa samahan at nangakong patuloy na ipaglalaban ang karapatan ng mga swimmers na makasali sa mga delegasyong isinasabak sa kompetisyon sa labas ng bansa.
“I have been in swimming for only three years now and I’m glad I was raised like a warrior so I can fight this war in swimming with heads up high,” wika ni Mojdeh.
Bukod sa swimming, aktibo rin si Mojdeh sa pagsali sa mga patakbo at triathlon events. (BRM)