Ikeh nakalaya na Ateneo buo ang puwersa sa pagbangga sa La Salle
MANILA, Philippines – Nakalabas na ng kulungan kahapon si Ateneo import Chibueze Ikeh matapos magpiyansa.
Dinala at ikinulong ng Quezon City police si Ikeh sa kanilang Criminal Investigation and Detection Unit makaraang kasuhan ng pananakit sa kanyang nobya.
Isinilbi ng QCPD kay Ikeh ang warrant of arrest matapos talunin ng Blue Eagles ang UP Fighting Maroons, 74-65 para umabante sa Final Four ng 78th UAAP men’s basketball tournament noong Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum.
Ang Cameroonian center ay sinampahan ng kanyang nobya ng kasong paglabag sa RA 9262 o Violence Against Women and Children Law.
Dalawang oras ang pinaghintay ng mga pulis dahil nanatili si Ikeh sa loob ng Ateneo dugout kasama ang kanilang coaching staff at opisyales ng Ateneo Athletics Office.
Sinabi ni Ateneo Athletics Director Emmanuel Fernandez na hindi masusupinde si Ikeh dahil siya ay sangkot sa “private matter” at nakatakdang maglaro sa pagsagupa ng Blue Eagles kontra sa karibal na La Salle sa Linggo.
Noong nakaraang buwan ay sinuspinde ng Ateneo si John Apacible dahil sa drunk driving incident kung saan pinagmumura ng Blue Eagles’ forward ang nakagitgitan sa kalsada.
- Latest