MANILA, Philippines – Walong atleta lamang ang nakikita ni PSC chairman Ricardo Garcia na puwedeng kumatawan sa Pilipinas sa 2016 Rio de Janeiro Olympics.
Sa ngayon ay isa pa lamang ang tiyak na maglalaro sa Olympics at ito ay si Fil-Am Eric Cray, ang double gold medalist sa Singapore SEA Games noong Hunyo sa larangan ng 400m hurdles.
“Right now, my estimate is eight athletes will make it to Rio but it’s a conservative estimate,” wika ni Garcia na dumating ng bansa kahapon matapos dumalo sa 20th Association of National Olympic Committees (ANOC) General Assembly sa Washington, D.C.
Naniniwala si Garcia na may papasok pa mula sa athletics habang puwedeng makapaglahok sa larong swimming, weightlifting, shooting, taekwondo, boxing at BMX cycling.
“So far, we’ve qualified only Eric Cray in the 400 meter hurdles,” dagdag pa ni Garcia.
Hindi isinama ni Garcia sa kanyang kalkulasyon ang mga team events pero umaasa siya na makakapasok ang mga ito lalo na ang men’s basketball.
Ang Pambansang koponan na hawak ni coach Tab Baldwin na kinapos ng isang panalo para makakuha ng puwesto sa Rio Games sa FIBA Asia na pinagharian ng China ay sasalang sa Wildcard Olympic qualifying.
Tatlong upuan ang nakataya rito at para lumakas ang tsansa ng koponang bubuuin na ng mga PBA players, ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ay balak na i-host ang isang qualifying tournament sa bansa.