MANILA, Philippines – Balak ng Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. (LVPI) na bumuo ng national pool na ang pagsisilbihan lamang ay ang bansa at ang paaralang inaaniban.
Sa pagdalo ng mga LVPI officials na sina vice-president Peter Cayco, coaches commission chairman Atty. Ramon Malinao at Level 3 coach Louie Hugo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate, sinabi ni Cayco na kikilos ang NSA sa volleyball para matiyak na hindi mauulit ang nakita nila sa mga national players na kumatawan sa bansa sa Singapore SEA Games.
Dahil sa dami ng larong sinasalihan ng mga manlalaro, wala nang naibigay at puno na ng injuries ang mga national players para mabigong makapaghatid ng medalya sa SEAG noong Hunyo.
Nahihirapan din ang LVPI na manghiram ng mga manlalaro na may mother teams na sa commercial leagues at mga kasapi ng Armed Forces kaya nabuo ang naturang plano.
Maghahanap ang LVPI ng private sponsors na tutulong sa pagpondo sa koponan upang kahit paano ay mapunuan din ang mawawalang allowances na kanilang makukuha kung maglalaro sa mga commercial leagues.
Bago bumuo ng pool ay plano ng LVPI na magsagawa ng U19 tournament sa buong bansa para makita ang mga may potensyal na players mula sa mga probinsya.