MANILA, Philippines – Muling magkakaroon ng pagkakataon si Rubilen Amit na makilatis ang kanyang kakayahan laban sa mga tinitingala sa mundo ng women’s billiards sa pagsali niya sa 2015 Women’s World 9-Ball Championship sa Guilin Museum, Guilin, China.
Tinatayang nasa 20 bansa ang sasali sa torneong may basbas ng World Pool Association at gagawin ito mula Huwebes hanggang Linggo.
Ito ang ikalawang malaking kompetisyon na sinalihan ni Amit na ginawa sa China.
Ang una ay ang CBSA B Beijing Miyun International Tournament na kung saan pumangalawa siya kay Chen Si Ming ng China.
Ito ang ikalawang sunod na taon na sa Guilin gagawin ang kompetisyon at sisikapin ni Amit na mahigitan ang pangalawang puwestong pagtatapos kay Ga Young Kim ng Korea na ginawa noong 2007 sa Taipei.
Sina Ga at Chen ay kasali rin sa torneo bukod pa kay Lui Shasha ng China na siyang nanalo noong 2014 at hanap ang pangatlong World title sa kompetisyong ito.
Ang iba pang bigating manlalaro na kasali ay sina Allison Fisher at Kelly Fisher ng Great Britain, Jasmin Ouschan ng Austria, Akimi Kajitani ng Japan, Pan Xiaoting ng China at Chou Chieh-yu ng Chinese Taipei.
Magkakaroon ng qualifying sa Nobyembre 5 para mahanap ang mga manlalarong kukumpleto sa 64 players na sasailalim sa Group elimination.
Walong grupo na bubuuin ng walong manlalaro ang sasailalim sa double round elimination at ang dalawang mangunguna sa winner’s at lo-ser’s bracket ang papasok sa Final 32 na magtutuos sa race-to-9, alternate break knockout round.
Umabot sa $170k ang premyong paglalabanan at ang mananalo ay mag-uuwi ng $42k at ang papangalawa ay tatanggap ng $20k premyo.