MANILA, Philippines – Muling napatunayan ang kahalagahan ng tiwala para makamtan ang isang minimithi nang napagtagumpayan ng Letran Knights na putulin ang 10 taon na hindi nakakatikim ng titulo sa NCAA.
Malinaw pa rin sa isipan ni rookie Letran coach Aldin Ayo ang usapan nila ng mga manlalaro sa isang team building bago nagsimula ang 91st NCAA season.
“Tinanong ko sila kung ano ang goal nila this year. Marami ang nagsabi na Final Four. Noong sinabi ko sa kanila na kaya namin manalo, ang iba ay tumawa lang,” wika ni Ayo.
May pagdududa man ang kanyang manlalaro, buong-buo naman ang paniniwala ni Ayo magagawa nila ang misyon na ito.
Mainit ang panimula ng Knights dahil naipanalo nila ang unang pitong laro para umani agad ng atensyon ang koponang walang dominanteng big men at ang sinasandalan ay ang bilis, matibay na depensa at puso.
“Nagsimula lamang sila na naniwala na kaya namin noong tinalo namin ang Jose Rizal,” dagdag ni Ayo.
Maging ang team captain na si Mark Cruz ay umamin na nagduda rin siya sa simula.
“Pero ngayon ay naniniwala ako sa sinabi ni coach na kaya naming mag-champion sa taong ito,” pahayag ng 5’7 guard na siya ring hinirang bilang Finals MVP.
Si Cruz, Kevin Racal at Rey Publico ay mamamaalam na sa pinakamatandang collegiate league sa bansa at magandang pabaon ang NCAA title.
“Masarap, dalawang beses na kasi ako natalo kaya talagang ayaw ko na mangyari uli ito,” wika ni Racal na may nangungunang 23 puntos sa 85-82 overtime panalo sa Game Three noong Huwebes.
Mababawasan man ng puwersa ay hindi masasabing hindi kakayanin ng Letran na maka-dalawang sunod sa 2016 season dahil may mga puwede silang asahan na ibang manlalaro.
Isa na rito si Jomari Sollano na gumawa ng career-high 19 puntos, kasama ang jumper na tuluyang nagbigay ng kalamangan sa Knights, 83-82.
Hindi muna pagtutuunan ng koponan ang hinaharap kungdi nanamnamin ang tamis ng panalo na pinatingkad sa ipinangakong tig-P100,000.00 bonus mula sa kanilang team manager na si Pambansang Kamao Manny Pacquiao.