Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena,
Pasay City)
3 p.m. Talk ‘N Text
vs Mahindra
5:15 p.m. Barako Bull
vs Ginebra
MANILA, Philippines – Itinaas ng Alaska Aces ang kalidad ng paglalaro sa second half para kunin ang 87-79 panalo laban sa Blackwater Elite sa PBA Philippine Cup kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sina Vic Manuel at Chris Banchero ay tumapos taglay ang tig-13 puntos habang ang ipinagmamalaking depensa ng koponan ang naglimita sa Elite sa 13 puntos sa huling yugto upang maisulong sa 2-0 ang baraha ng Aces.
“Blackwater outplayed us in the first half. But we came out with fire in the second half,” wika ni Aces coach Alex Compton.
Natalo ang Elite sa ikalawang sunod na pagkakataon at nasayang ang magandang panimula na kung saan ay lumamang sila ng pito, 48-41 sa first half.
Ngunit sa ikatlong yugto ay nagtrabaho na ang mga beterano ng Alaska at ang free throws ni Banchero at 3-pointer ni Dondon Hontiveros ang nagtulak sa koponan sa 69-66 bentahe.
Lumaki ito sa pito, 73-66, pero limang sunod na puntos mula sa Elite ang nagpababa sa kalamangan sa 73-71.
Si Manuel na may walong puntos sa huling yugto, ay nagbagsak ng apat para sa 6-0 run upang tuluyan nang iwanan ang Elite.
Nanguna sa Elite si JP Erram sa kanyang 13 puntos at ininda nila ang 30% shooting (24-of-79) para manatiling nasa huling puwesto sa team standings.
Samantala, magpapatuloy ang aksyon ngayon at magtutuos ang Talk ‘N Text Tropang Texters at Mahindra Enforcers sa alas-3 ng hapon bago sundan ng Barako Bull at Ginebra dakong alas-5:15.
Alaska 87 - Banchero 13, Manuel 13, Dela Cruz 11, Casio 10, Abueva 7, Dela Rosa 7, Thoss 6, Hontiveros 5, Baclao 4, Baguio 4, Exciminiano 4, Jazul 2, Magat 1, Eman 0.
Blackwater 79 - Erram 13, Cervantes 11, Canada 10, Melano 10, Cortez 9, Reyes 7, Gamalinda 5, Ballesteros 4, Sena 4, Agovida 3, Golla 2, Lastimosa 1, Vosotros 0.
Quarterscores: 20-22, 41-48, 69-66, 87-79.