MANILA, Philippines – Nakuha ng Legaspi City, Albay ang karapatan para gawin sa kanilang lugar ang 2016 Palarong Pambansa.
Nagpulong ang 10 kasapi ng board ng Palarong Pambansa Board noong Miyerkules sa tanggapan ng Department of Education sa Pasig City at matapos ang botohan ay nanguna ang Albay sa nakatunggaling Tuguegarao City sa mahigpitang labanan para sa hosting ng 59th edisyon ng Palaro.
Sinasabing isang boto lamang nakaungos ang Albay na pinangunguhan ni Gov. Joey Salceda.
Ito pa lamang ang ikalawang pagkakataon mula nang binigyan ng buhay ang kompetisyon para sa mga atletang mag-aaral sa elementarya at sekondarya noong 1948 na maisasagawa ang kompetisyon sa nasabing lugar. Ang una ay nangyari noon pang 1952.
Tangka sana ng Tuguegarao ang pangatlong hosting matapos tumayo bilang punong abala noong ikalawang edisyon noong 1949 at ika-31st edisyon noong 1981.
Sa ngayon ay nagpapatayo ng mga pasilidad sa Albay at kasama rito ang Albay Sports Complex sa Guinobatan town na nilagyan ng international standard track oval at grandstand para makapanood ang libong manonood.
Isa rin sa plano ng Gobernador ay dalhin ang ibang laro sa ibang lugar para makita ng mga bisita ang iba pang magagandang tanawin sa kanilang nasasakupan bukod sa Mayon Volcano na kasama sa World Heritage Sites ng Unesco.
Ang Palaro ay ginagawa tuwing Mayo pero dahil may gaganaping Pambansang halalan sa pampanguluhan at iba pang local officials, ang kompetisyon ay nakakalendaryo mula Abril 15 hanggang 22.