US Open 9-Ball Championship Biado, Kiamco sumargo
MANILA, Philippines – Wala ng Pinoy ang nasa winner’s bracket sa idinadaos na 40th US Open 9-ball Championship na ginagawa sa Sheraton Waterside sa Norfolk, Virginia.
Sina Carlo Biado at Warren Kiamco ay hindi umubra sa mga mabibigat na kalaban para bumaba na sa loser’s bracket.
Talunan si Biado ni Jayson Shaw ng England, 7-11, habang yumuko si Kiamco kay Ralf Souquet ng Germany, 4-11.
Sa nangyari, pito na ang pambato ng bansa na kailangang dumaan sa mas mahirap na ruta para makuha ang kampeonato sa Pilipinas.
Sina Jeffrey Ignacio at Jundel Mazon ay kumulekta pa ng tatlong panalo para umabante pa sa one-loss side.
Matapos sibakin si Earl Strickland ng USA, 11-5, pinagpahinga rin ni Ignacio si Shaun Wilkie ng US,11-6, at Alexander Kazakis ng Greece, 11-8.
Si Mazon ay nagdomina kina Michael Wong ng US, 11-7; Brandon Shuff ng US, 11-5 at kay Greek Nick Ekonomopoulos,11-8.
Wagi si Roberto Gomez kina Nguyen T N ng Vietnam, 11-3 at Canadian Martin Daigle, 11-8, habang si Francisco Felicilda ay palaban pa nang sinibak sina Jorge Rodriquez ng US, 11-6 at lady pool player Karen Corr ng Ireland, 11-5.
Si Dennis Orcollo na pumangalawa noong nakaraang taon, ay nanaig kay Kenichi Uchigaki ng Japan, 11-7.
Ang namaalam na ay si Ramil Gallego nang lasapin ang 5-11 kabiguan sa kamay ni Jason Klatt ng Canada.
Sunod na makakalaban ni Ignacio si Marco Teutscher ng Netherlands; si Mazon ay katapat si Klatt; si Felicilda ay masusukat kay Thorsten Hohmann ng Netherland; si Gomez ay lalabanan si Denis Grab Estonia at si Orcollo ay mahaharap kay Skyler Woodward ng US.
Si Kiamco ang kaharap ng mananalo kina Orcollo at Woodward habang si Biado ay mapapalaban sa magwawagi sa pagitan nina Darren Appleton ng Great Britain at Nick van den Berg ng Netherlands.
- Latest