MANILA, Philippines – Sundan ang magandang panalo na naitala sa huling laro ang tutumbukin ng Petron Lady Blaze Spikers sa pagharap uli sa RC Cola-Air Force Raiders sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) women’s volleyball tournament ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Galing ang nagdedepensang kampeon Lady Blaze Spikers sa 25-16, 14-25, 25-17, 22-25, 15-13 panalo sa dating walang talo na Cignal HD Lady Spikers para maging paborito sa Raiders.
Mapapanood ito dakong alas-6:15 ng gabi kasunod ng Foton Tornadoes at Cignal sa ganap na alas-4:15 ng hapon.
Asahan na magpupursigi ang HD Lady Spikers na makabangon agad ngunit bibigyan sila ng magandang laban ng Tornadoes na papasok sa laro mula sa 25-14, 25-13, 25-16, panalo sa Raiders.
Ito na ang ikaapat na sunod na pagkatalo ng Raiders at kailangan nilang maibangon ang kumpiyansa para tapatan ang inspiradong paglalaro ng Petron.
“Mahalaga itong panalo na ito dahil tataas ang morale ng team sa second round,” wika ni coach George Pascua.
Si Rupia Inck na gumawa ng conference high 26 puntos, ay makikipagtulungan uli kina Dindin Manabat, Frances Moina at Rachel Ann Daquis.
Ang Cignal ay aasa pa rin kina Ariel Usher at Amanda Anderson pero dapat na bumalik ang tikas ng laro ng mga locals para maisantabi ang papaakyat na paglalaro ng Tornadoes.