Bulls kumuha ng inspirasyon kay US Pres. Obama, Cavs hiniya
CHICAGO — Naging inspirado ang Chicago Bulls sa kanilang season opener dahil sa panonood sa kanila ni President Barack Obama.
Hindi nila pinahiya ang kanilang No. 1 fan nang talunin ang Cleveland Cavaliers, 97-95 sa pamamagitan ng depensa nina Pau Gasol at Jimmy Butler sa huling mga segundo ng laro.
Matapos supalpalin ni Gasol ang layup ni LeBron James na siya sanang nagtabla sa Cavaliers ay tinapik naman ni Butler ang inbound pass para sa four-time Most Valuable Player sa pagtunog ng final buzzer.
Ito ang unang panalo ng bagong coach na si Fred Hoiberg.
Umiskor si Nikola Mirotic ng 19 points at may 18 markers si Derrick Rose para sa pagpapasikat ng Bulls sa nanood na si President Obama.
Umupo si President Obama sa courtside para panoorin ang Bulls na nakahugot ng kontribusyon sa ilang players para talunin ang defending Eastern Conference champions.
Naglista naman si James ng 25 points at 10 rebounds sa panig ng Cavaliers na sumibak sa Bulls sa nakaraang conference semifinals.
Sa Oakland, California, muling idinisplay ni NBA MVP Stephen Curry ang kanyang pamatay na outside shooting nang kumamada ng 40 points para pamunuan ang nagdedepensang Golden State Warriors sa 111-95 panalo laban sa New Orleans Pelicans.
Sa isa pang laro, tinalo ng Detroit Pistons ang Atlanta Hawks, 106-94.
- Latest