MANILA, Philippines – Nagpatuloy ang magandang pagtumbok nina Carlo Biado at Warren Kiamco para maibsan ang pagkatalo ni Dennis Orcollo sa pagpapatuloy ng 40th US Open 9-Ball Championship sa Sheraton Waterside sa Norfolk, Virginia.
Nangibabaw si Biado kay Thorsten Hohmann ng Germany, 11-3, habang dinaig ni Kiamco si Jason Klatt ng Canada, 11-9, sa round two.
Sunod na kalaban ng dating number one player sa mundo na si Biado si Jayson Shaw habang si Kiamco ay masusukat kay Ralf Souquet ng Germany.
Hindi naman pinalad ang pumangalawa noong nakaraang taon na si Orcollo nang natalo kay Dang Jin-hu ng China, 8-11 para bumaba sa loser’s side.’
Lalabas si Orcollo bilang ikaanim na Pinoy cue-artist na nasa loser’s bracket at ang limang nauna ay lumalaban pa nang nanalo sa kanilang mga asignatura.
Si Roberto Gomez ay nanaig kay Frankie Hernandez ng Puerto Rico, 11-6; si Francisco Felicilda ay nagwagi kay Ernesto Dominguez ng Mexico, 11-9; si Jeffrey Ignacio ay dinurog si Robert Ferry ng US, 11-1; si Jundel Mazon ay inilampaso si Joshua Padron ng US, 11-2 at si Ramil Gallego ay pinagpahinga si Cleiton Rocha ng US, 11-7. (AT)