MANILA, Philippines – Sumasakay sa kanilang eight-game winning streak, palalakasin ng Far Eastern University ang kanilang tsansa sa 'twice-to-beat' incentive sa Final Four.
Susukatan ng Tamaraws ang sibak nang Adamson Falcons ngayong alas-2 ng hapon kasunod ang sultada ng nagdedepensang National University Bulldogs at La Salle Green Archers sa alas-4 sa second round ng 78th UAAP men's basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nanggaling ang FEU sa 71-67 panalo laban sa University of the East para sa kanilang pang-walong sunod na ratsada.
“We know that we are going to get into the Final Four so why bother think about it,” sabi ni Tamaraws' coach Nash Racela. “We just want to focus on the next game.”
Sina Mac Belo, Mike Tolomia at Roger Pogoy ang muling aasahan ng FEU katapat sina import Pappi Sarr at Joseph Nalos ng Adamson.
Inaasahang gagamitin ng Falcons ang nakuhang 75-74 pagtakas sa Green Archers kung saan umiskor sina Sarr at Nalos ng 23 at 20 points, ayon sa pagkakasunod, para maiposte ang kanilang pangalawang sunod na panalo.
Ang No. 1 at No. 2 teams ang makakakuha ng 'twice-to-beat' advantage laban sa No. 4 at No. 3 squads, ayon sa pagkakasunod, sa Final Four.
Sa ikalawang laro, pipilitin ng La Salle na makabangon sa nasabing pagkatalo sa Adamson sa pagharap sa NU, nakatikim ng 59-68 kabiguan sa Ateneo.
Tanging ang Tamaraws at University of Sto. Tomas Tigers pa lamang ang tumiyak ng tiket sa Final Four.