MANILA, Philippines – Sa nakaraang dalawang laro ng Foton ay hindi nasiyahan sina coach Villet Ponce-De Leon at assistant Ian Fernandez.
“That’s why we had a meeting and we decided that there should be more consistency and quality in our plays,” sabi ni Fernandez, pansamantalang sumalo sa naiwang trabaho ni Ponce-De Leon.
“Medyo pangit ang past two games namin. That’s why we all agreed that it’s about time for us to get our acts together and make a statement game,” dagdag pa ng team captain ng Philippine team noong 2013 Asian Men’s Club Championship.
Isang statement game ang ipinakita ng Tornadoes nang gibain ang RC Cola-Air Force Raiders, 25-14, 25-13, 26-16 sa 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan.
Ito ang pangalawang panalo ng Foton sa limang laro, habang nalasap ng RC Cola-Air Force ang kanilang ikaapat na kabiguan sa inter-club tourney.
Humataw si American import Lindsay Stalzer ng 13 kills para sa kanyang 15 points, habang nag-ambag ng 14 markers si Jaja Santiago mula sa kanyang 9 hits, 3 aces at 2 blocks.
Galing naman kay Ivy Perez ang lahat ng 33 excellent sets ng Tornadoes, naglista ng 31 digs kumpara sa siyam ng Raiders.
Sinamantala din ng Foton ang 23 turnovers ng RC Cola-Air Force.
Hindi rin nakahugot ng disenteng produksyon ang Raiders kay Puerto Rican import Lynda Morales.
Tumapos si Morales, isang aktibong miyembro ng Puerto Rican national team, na may 9 points mula sa kanyang 6 kills.
Nag-ambag naman sina American import Sara McClinton at Maika Ortiz ng tig-7 points para sa RC Cola-Air Force.