Laro Ngayon (Mall of Asia Arena, Pasay City)
2 p.m. Arellano vs San Beda (Jrs)
4 p.m. Letran vs San Beda (Srs)
MANILA, Philippines – cSa araw na ito na kaya matatapos ang pagkauhaw sa titulo sa NCAA ng Letran Knights?
Masasagot ito matapos isagawa ang Game Two sa 91st NCAA men’s basketball Finals ngayong alas-4 ng hapon sa pagitan ng Knights at ng 5-time defending champion San Beda Red Lions.
Bago ito ay magtutuos muna ang San Beda Red Cubs at Arellano Braves sa ganap na alas-2 ng hapon sa pangalawang laro sa juniors division.
Kailangan lamang ng Red Cubs na manalo sa Braves para makumpleto ang 20-game sweep at mailista ang makasaysayang ikapitong sunod na kampeonato sa San Beda.
Lumapit sa isang laro ang Knights para wakasan ang 10 taong hindi nakakatikim ng titulo sa pinakamatandang collegiate league sa bansa nang angkinin ang 94-90 panalo sa Lions sa Game One noong Biyernes.
Taong 2005 pa huling nagkampeon ang Letran at kahit pumasok sila sa Finals noong 2012 at 2013 ay hindi sila pinalad sa Lions.
“Ayaw ko nang nakikita ang team at mga tagahanga na magdusa pa. Mahaba na rin ang kanilang ipinagtitiis at determinado kaming tapusin ito,” wika ni Letran first time mentor Aldin Ayo.
Sina Mark Cruz at Kevin Racal ay mga beterano ng dalawang title series na naisuko ng koponan at sa kanilang huling taon ng paglalaro sa NCAA ay parehong nais nilang makatikim din ng titulo.
“Pangarap namin na mag-champion din. At dahil kami ni Mark ang mga beterano, nag-usap kami na gagawin ang lahat para tulungan ang Letran na manalo,” wika ni Racal na gumawa ng career-high 28 puntos sa huling tagisan.
Tiyak naman na handang bumawi ang Lions para mapaabot ang serye sa deci- ding fifth game na gagawin sa Huwebes.
Isang bagay na gagawin ng koponan ay ang limitahan ang kanilang errors matapos gumawa ng 29 sa Game One.
“We have to play smarter this time and limit our errors,” wika ng baguhang Red Lions coach na si Jamike Jarin.