MANILA, Philippines - Hindi nangyari ang inakalang dikitang labanan sa hanay ng mga dating walang talong koponan nang kunin ng Air Force Airmen ang 25-21, 25-21, 25-18 panalo sa Navy Sailors sa Spikers’ Turf Reinforced Conference kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Kontrolado ng Air Force ang attacks, 44-27 at serve, 4-1 at nakitaan pa ng magandang depensa sa 26-14 bentahe sa digs upang isulong sa tatlong dikit ang pagpapanalo sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Si Rodolfo Labrador ay mayrong 12 kills tungo sa 14 puntos at may limang digs pa.
Si Jeffrey Malabanan ay may pitong puntos tulad ni Nino Jeruz at may limang digs pa habang si Jessie Lopez ay mayroong 16 excellent sets para ilapit ng Airmen ang sarili sa puwesto sa semifinals.