MANILA, Philippines - Kapwa inangkin nina Sarah Barredo at Mark Alcala ang mga korona sa Open singles event ng Bingo Bonanza National Open Badminton Tournament kahapon sa Glorietta 5 Atrium sa Makati City.
Bumangon si Barredo mula sa kabiguan sa first set patungo sa 15-21, 21-16, 21-6 panalo laban kay Albo sa women’s division.
Hangad ng PBA-Smash Pilipinas standout na mawalis ang major Open women’s singles titles matapos pagreynahan ang nakaraang FDG Cup.
Ibinulsa ni Barredo ang premyong P100,000, habang nakuntento si Albo sa P60,000 sa torneong itinataguyod ng Bingo Bonanza at may basbas ng Philippine Badminton Association sa pamumuno nina Vice President Jejomar Binay at sec-gen Rep. Albee Benitez.
Pinatumba naman ni Alcala si top seeded Kevin Cudiamat, 21-14, 21-17 para kunin ang korona sa men’s singles class sa top ranking tournament na suportado ng official equipment Victor PCOME at official sports drink Gatorade.
Patuloy ang dominasyon ng 16-anyos na si Alcala sa men’s badminton bagama’t may mga beterano siyang nakakalaban.
Inangkin ni Alcala ang premyong P100,000.
Tinalo naman nina Ronel Estanislao at Indonesian partner Marissa Vita si 2nd -seeded Alvin Morada at Alyssa Leonardo, 21-17, 21-15, para sa Open mixed doubles crown at kunin ang P120,000 premyo.