LINCOLN, Neb. – Tila mapapabilang si Derrick Rose sa starting lineup ng Chicago Bulls sa kanilang season opener laban sa Cleveland Cavaliers sa Martes.
Ginawa ni Rose ang kanyang unang laro sa preseason noong Biyernes kung saan siya nakita sa aksyon sa loob ng 10 minuto sa 103-102 pagtakas ng Bulls laban sa Dallas Mavericks.
Tumapos siya na may 8 points mula sa 4-of-6 shots bukod pa sa 1 assist.
“I felt good,’’ ani Rose.
Nagkaroon ng lamat ang kaliwang orbital bone ni Rose matapos masiko sa kanilang ensayo noong Setyembre 29.
Kinabukasan ay sumailalim siya sa surgery.
Naglaro si Rose na may suot na clear plastic mask at sinabi niya na patuloy ang pagkawala ng maga sa kanyang kaliwang mata.
Tinanong siya kung makakapaglaro siya sa Martes.
“Who knows? I don’t want to jinx myself. It’s improving every day. So it looks like it’s a go for me,” sabi ni Rose.
Tiniyak naman ni Bulls coach Fred Hoiberg na makikita sa aksyon si Rose sa kanilang season opener.
Samantala, hindi naman maglalaro si Cavaliers superstar LeBron James dahil sa problema nito sa likod.