Ateneo tankers nanalasa agad sa UAAP swimming

MANILA, Philippines – Kaagad lumayo ang Ateneo sa men’s at wo­men’s division matapos ang Day 1 ng 78th UAAP swimming championships sa Rizal Memorial Swimming Pool.

Sa pangunguna ni reigning MVP Jessie K­hing Lacuña, nagposte ang Blue Eagles ng 122 points para umangat ng 55 points sa De La Salle (67) kasunod ang University of the Philippines (40) at National University (25).

Inangkin ni Lacuña ang gold medal sa 100-meter freestyle matapos basagin ang 2008 mark ni dating University of the Philippines standout Ken Uy na 52.3 segundo sa kanyang bagong 51.66 segundo.

Naghari rin si Lacuña sa 200-meter individual medley sa kanyang bilis na 2:06.50 at talunin ang kakamping si Aldo Batungbacal (2:09.47).

Winalis ng Blue Eagles ang mga relay events nang banderahan ang 4x200-meter medley (1:49.66) at 4x800-meter freestyle (8:14.58)

Sa likod ni 2014 MVP Hannah Dato, nagdomina rin ang Ateneo sa women’s class nang kumolekta ng 121 points kasunod ang UP (66 points).

 Isang three-time ASEAN University Games gold medalist, binura ni Dato ang three-year old 200-meter freestyle record ni dating Lady Eagles Jasmine Ong (59.12) para sa kanyang bagong 58.48 segundo.

Nagreyna rin si Dato sa 200-meter individual medley (2:21.92) para sa Lady Eagles na hangad ang kanilang ikalawang sunod na korona.   

Show comments