MANILA, Philippines – Makakapanood ang mga mahihilig sa women’s volleyball ng magagandang kompetisyon sa Asian club teams dahil sa bansa isasagawa ang 2016 Asian Volleyball Confederation (AVC) Asian Women’s Club Championship.
Ang mga pangunahing opisyales ng Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. (LVPI) ay tutungo sa Riyadh, Saudi Arabia para dumalo sa AVC General Assembly at Executive Council meeting mula Nobyembre 17 at 18.
Sa pagpupulong ay pormal na kukunin ng Pilipinas ang pagtayo bilang punong-abala sa AVC Women’s Club Championship.
Lalabas na ito ang magiging ikalawang international hosting na gagawin sa Pilipinas dahil nagbi-bid din ang bansa sa FIVB Women’s Club Championship.
“Next year will be a very exciting year for Philippine volleyball because we are hosting not one but two international tournaments,” wika ni FIVB executive board member at Philippine SuperLiga (PSL) president Ramon “Tats” Suzara.
Ang PSL ang siyang tinokahan na ng LVPI na mamahala sa koponang ilalaban sa Asian meet matapos pangunahan din ang pagpapadala ng kalahok sa huling dalawang edisyon.
Ang Cignal HD Lady Spikers at Petron Lady Blaze Spikers ang kumatawan sa kompetisyon at pareho silang pumasok sa Top 8.
Dahil dito, idineklara na rin ni Suzara na ang tatanghaling kampeon sa pinaglalabanang Grand Prix ang siyang kakatawan sa bansa sa 2016 Asian tournament na kinatatampukan din ng mga imports.