MANILA, Philippines - Hanggang sa kasalukuyan ay wala pang inihahayag si Bob Arum ng Top Rank Promotions kaugnay sa makakatapat ni Manny Pacquiao bago ito magretiro sa susunod na taon.
Patuloy pa rin siyang naghihintay ng resulta ng mga nakatakdang laban.
Isa na rito ay ang pagdedepensa ni Terence Crawford ng kanyang suot na World Boxing Organization super lightweight crown laban kay Dierry Jean sa Linggo sa Century Link Center sa Omaha, Nebraska.
Sinabi ni Arum na kung magiging impresibo ang panalo ni Crawford (26-0-0, 18 KOs) kontra kay Jean (29-1-0, 20 KOs) ay maaari niya itong ikonsidera para sagupain si Pacquiao (57-6-2, 38 KOs) sa Abril 9, 2016.
“I want to see a good performance from Crawford. He’s fighting a good fighter, and Manny is the kind of proud guy who looks for the toughest opponent,” wika ni Arum kahapon.
“So if Crawford gives a great performance, it enhances him as a Manny opponent,” dagdag pa ng bantog na promoter.
Hindi naman naitago ni Crawford ang kanyang kagustuhang makipagsabayan sa Filipino world eight-division champion.
“Who wouldn’t think about it? That’s the fight we want,” wika kahapon ni Crawford.
Sakaling maitakda ang banggaan nila ni Pacquiao ay handa si Crawford sa ikikilos ng Filipino boxing superstar sa ibabaw ng boxing ring.
Ang iba pang maaaring itapat ni Arum kay Pacquiao ay sina British star Amir Khan (31-3-0, 19 KOs) at Kell Brook (35-0-0, 24 KOs).
Si Khan, dating sparmate ni Pacquiao sa ilalim ni chief trainer Freddie Roach, ang kasalukuyang kinakausap ni Arum.