MANILA, Philippines - Bukod sa pagpapalakas sa pagtuklas ng mga bagong atleta, kumilos din ang PATAFA para pagtibayin ang kanilang coaching staff sa paghugot ng mga dating tinitingalang manlalaro ng bansa.
Sina Arniel Ferrera, Rene Herrera, Danilo Fresnido at John Lozada ay iniakyat na ng NSA para turuan ang mga bata at mahuhusay na atleta upang mapalabas ang itinatagong galing sa hangaring karangalan sa malalaking torneo sa labas ng bansa.
Ang apat na ito ay mga SEA Games champions at aani agad sila ng respeto sa mga tuturuan.
Si Jojo Posadas ay ibinalik din sa pagiging coach ng Pambansang koponan.
“Naniniwala kami na malaki ang kanilang maitutulong para makahubog ng mga bagong talento sa kanilang pinaglaruang events kaya sila ay iniakyat na namin bilang mga coaches,” wika ni PATAFA secretary-general Reynato Unso.
Si Lerma Bulauitan-Gabito na dating pambato sa women’s long jump ay coach na rin.
Kasabay nito ay ipadadala sina Gabito at Ferrera sa Korea para sa isang buwang seminar upang madagdagan ang kanilang kaalaman.
Abala ang PATAFA sa pagbabago sa kanilang hanay dahil nais nilang ipagpatuloy ang magandang marka na nakuha sa taong ito sa 2016.
Nanalo ang Pilipinas ng limang ginto sa SEA Games sa Singapore habang ang double-gold medalist sa SEAG na si Fil-Am Eric Cray ay nakapasok na sa Rio Olympics sa larangan ng 400m hurdles.