MANILA, Philippines - Muling magkikita sa hardcourt sina national players Calvin Abueva, Sonny Thoss at Dondon Hontiveros at sina training pool members No. 1 overall pick Fil-Tongan Moala Tautuaa at No. 2 selection Troy Rosario.
Ngunit hindi na sa isang ensayo ng Gilas Pilipinas.
Kakaliskisan nina Abueva, Thoss at Hontiveros sina Tautuaa at Rosario sa pagsagupa ng Alaska sa Talk ‘N Text ngayong alas-7 ng gabi sa PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Sa alas-4:15 ng hapon ay magpapang-abot naman ang Blackwater at ang NLEX.
Sina Abueva, Thoss at Hontiveros ay kasama ng Gilas Pilipinas na kumampanya sa nakaraang Jones Cup sa Taiwan at sa FIBA Asia Championship sa Changsha, China, habang ang 6-foot-8 na si Tautuaa at ang 6’7 na si Rosario ay napabilang sa training pool.
Si Rosario, tinulungan ang National University Bulldogs sa pagsakmal sa nakaraang UAAP championship, ay hinablot ng Tropang Texters mula sa Mahindra Enforcers sa pamamagitan ng trade.
Bukod kina Tautuaa at Rosario ay aasahan din ni Talk ‘N Text coach Jong Uichico sina Jayson Castro, Ranidel De Ocampo, Ryan Reyes at Kelly Williams katapat sina Abueva, Thoss, Hontiveros, Vic Manuel at JVee Casio ng Alaska.
“Hopefully, we compete on every aspect every possession. We just want to get better, but the ultimate goal is excellence,” wika ni Aces’ mentor Alex Compton.
Ayon kay coach Leo Austria ng nagdedepensang San Miguel, ang Talk ‘N Text at Barangay Ginebra rin ang dapat tutukan sa torneo.
“Sinasabi nila na we’re still the team to beat, but for me, I think Talk ‘N Text and Ginebra are the teams to beat,” sabi ni Austria.
Samantala, itatampok naman ng Road Warriors ang dating Tropang Texters’ guard na si Kevin Alas kasama sina Sean Anthony at Rob Reyes, habang si veteran playmaker Mike Cortez ang gigiya sa Elite.
Hangad ng Talk ‘N Text, Alaska, NLEX at Blackwater na masundan ang 96-87 come-from-behind win ng Rain or Shine kontra sa Star noong Miyerkules sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.