NCAA titular showdown: Jarin walang nakikitang bentahe ang San Beda vs Letran
MANILA, Philippines - Walang nakikitang bentahe si San Beda first year coach Jamike Jarin sa Letran Knights na kanilang makakasukatan para sa 91st NCAA men’s basketball title.
“I like to say that we’re the underdogs,” wika ni Jarin sa magaganap na best-of-three finals series na magsisimula bukas sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Tinuran niya na maganda ang ipinakikita ng karibal na coach na baguhan din sa Letran na si Aldin Ayo at taglay din ng kalaban ang height advantage dahil ang kanilang average height ay nasa 6’2 lamang na mas mababa ng isang pulgada sa Knights.
Hindi rin puwedeng ipagmalaki ng Red Lions ang kanilang championship experience dahil meron din ganitong karanasan ang mga bigating manlalaro ng Letran tulad nina Mark Cruz, Kevin Racal, Rey Nambatac, McJour Luib at Rey Publico.
“This is going to be an interesting series and the team that plays with more energy will win,” dagdag ni Jarin na pinagpahinga ang Jose Rizal University Heavy Bombers, 78-68, sa Final Four noong Martes.
Ito ang ika-10 sunod na taon na nasa Finals ang San Beda at balak nila ang makasaysayang 6-peat kung mapagharian ang torneo. Palalawigin din nila sa 20 ang bilang ng titulo na naiuwi na sa kanilang bakuran.
Hindi naman basta-basta padadaig ang Knights lalo pa’t nakamarka rin sa koponan ang panghihiya na inabot sa Red Lions sa huling tatlong pagtutuos sa korona sa pinakamatandang collegiate league sa bansa.
Ito na ang ikalimang pagkakataon na maglalaban sa finals ang dalawang paaralan at pumaimbulog lamang ang Knights noong 1950 bago natalo sa huling tatlong pagkikita na nangyari noong 2007, 2012 at 2013.
“Sa simula pa lamang ay isa lang ang gusto namin, ang makuha ang title this year,” ani Ayo na umani ng 91-90 dikitang panalo sa host Mapua.
Mas malalim ang bench ng San Beda dahil 15 players ang sinasandalan nito pero hindi patatalo ang mga pamalit ng Knights tulad nia Jomari Sollano at John Paul Calvo na kahit mga rookies ay may puso kung lumaban.
- Latest