MANILA, Philippines – Aminado si University of Sto. Tomas coach Bong Dela Cruz na hindi nila basta-basta makukuha ang unang tiket sa semis.
Lalo na kontra sa Ateneo na niresbakan nila sa likod ng pinakalawang 32-6 atake sa second half para kunin ang 68-58 panalo sa first round noong Setyembre 26.
“Titingnan namin kung ano 'yung mga mali at kung ano pa ang mga dapat i-adjust sa game,” sabi ni Dela Cruz sa pagsagupa ng kanyang Tigers sa Eagles ngayong alas-4 ng hapon sa second round ng 78th UAAP men's basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Kasalukuyang magkasosyo ang UST at ang FEU sa liderato sa magkatulad nilang 8-1 kartada.
Nanggaling ang Tigers sa 64-57 panalo laban sa Bulldogs sa kanilang huling laro kung saan nila nabitawan ang 11-point lead sa fourth quarter.
Nakabangon naman ang Eagles sa dalawang sunod na kamalasan nang talunin ang Falcons, 87-72, noong Sabado.
Muling aasa ang UST kina Kevin Ferrer, Karim Abdul, Ed Daquioag at Louie Vigil katapat sina Kiefer Ravena, Von Pessumal, Gwynne Capacio at Aaron Black ng Ateneo.
Sa unang laro sa alas-2 ay magpipilit naman ang Bulldogs na makasilip ng tsansa sa ikaapat at huling silya sa semis sa pagharap sa Falcons.