‘Di paglalaro ni Adachi walang epekto sa Petron

Si Maika Ortiz ng RC Cola laban kay Dindin Manabat ng Petron sa aksyong ito sa PSL Grand Prix.

MANILA, Philippines – Naisantabi ng Petron Lady Blaze Spikers ang pagkawala ng Brazilian setter na si Erica Adachi nang nagtulung-tulong ang mga manlalaro para angkinin ang 25-22,25-20, 20-25, 25-10 panalo sa RC Cola-Air Force Raiders sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix women’s volleyball kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Si Grace Masangkay ang humalili sa puwestong iniwan ni Adachi bunga ng allergy sa kinamadang 18 excellent sets bukod sa tatlong aces at dalawang blocks habang namayani sa pag-atake sina Rupia Inck, Frances Molina, Rachel Ann Daquis at Dindin Manabat upang wakasan ang asignatura sa first round tangan ang 3-2 karta.

Sina Inck, Molina, Da­quis at Manabat ay naghatid ng 15, 13, 12 at 12 puntos upang tulungan ang nagdedepensang kampeon na dominahin ang spike, 46-42, blocks, 6-5, at serve, 16-12.

May 21 puntos si Sara Christine McClinton habang 18 ang ibinigay ni Lynda Morales ngunit naubos sila sa fourth set habang ang mga locals ay hindi naitaas ang laro para sa 1-1 karta sa ligang inorganisa ng SportsCore at handog ng Asics at Milo bukod sa suporta ng Mikasa, Senoh at Mueller at ipinalalabas sa TV5.

 

Show comments