MANILA, Philippines – Pinangatawanan ni Enrique Lopez-Perez ng Spain ang pagiging top seed nang angkinin nito ang singles title sa 34th Philippine Columbian Association (PCA) Open-Cebuana Lhuillier ITF Men’s Futures 2 kahapon sa PCA clay courts sa Paco, Manila.
Napahirapan man sa first set ay sapat pa rin ang galing ni Lopez-Perez para mailusot ito tungo sa 7-6 (4), 6-4, panalo laban sa third seed na si Kento Takeuchi ng Japan sa finals.
“He’s really good but I just decided to play my game,” wika ni Lopez-Perez na naiuwi rin ang $2,160 gantimpala sa palarong suportado ng Cebuana Lhuillier, Puma, Dunlop, The Philippine Star, Head, Babolat, Compass/IMOSTI at Sarangani Rep. Manny Pacquiao.
Ito ang ikalawang pagtutuos nina Lopez-Perez at Takeuchi at naipaghiganti ng Spaniard ang pagkatalo sa straight sets na nangyari sa Futures 1 noong nakaraang linggo.
“I am coming from a shoulder injury and I really wanted to find myself back here. I’m glad I won this leg,” dagdag pa ni Lopez-Perez.
Nakasalo sa mga nagpasikat ang mga pambato ng bansa na sina Francis Alcantara at Johnny Arcilla na kampeon sa doubles nang hiritan sina Katsuki Nagao at Hiromasa Oku ng Japan, 6-2, 6-2.
Masaya si Cebuana Lhuillier President at CEO Jean Henri Lhuillier sa kinalabasan ng kompetisyon lalo pa’t may mga Pinoy na nagkampeon.
“The doubles titles won by Arcilla and Alcantara speak well on the improvement of Philippine tennis. I look forward to holding international tournaments in the country to uplift the level of our netters and at the same time, help generate points to improve their world rankings,” pahayag ni Lhuillier.