MANILA, Philippines – Maaaring nalalapit na ang pagreretiro ni dating two-division world champion Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria.
Nabigo si Viloria na sabayan si Nicaraguan flyweight king Roman ‘Chocolatito’ Gonzalez na nagresulta sa kanyang ninth-round TKO (technical knockout) loss kahapon sa Madison Square Garden sa New York City.
Nang hindi na makasuntok ang 34-anyos na si Viloria matapos paulanan ng mga suntok ng 28-anyos na si Gonzalez ay itinigil na ni Beniy Esteves Jr. ang laban sa 2:53 minuto ng ninth round.
Nawalang parang bula ang hangarin ni Viloria, dating miyembro ng United States Olympic team, na muling magsuot ng isang world boxing crown.
Sa unang dalawang round lamang nakaporma si Viloria (36-5, 22 KOs) bago siya mapatumba ni Gonzalez (44-0, 38 KOs) sa third round mula sa solidong kanan sa panga.
At matapos ito ay hindi na nakabalik sa kanyang porma si Viloria.
Sa Compubox, nakakonekta si Gonzales ng 315 mula sa pinakawalan niyang 571 power punches kumpara sa 161-of-460 ni Viloria.
Napanatili namang suot ni Gonzalez, sinasabing maaaring pumantay sa record na 49-0 record nina Floyd Mayweather, Jr. at Rocky Marciano, ang kanyang World Boxing Council flyweight belt.