CARSON, California – Hangad ni Donnie Nietes, ang kasalukuyang WBO light-flyweight champion, na makapagtala ng impresibong panalo laban kay Mexican challenger Juan Alejo ng Mexico ngayon dito sa StubHub Center.
“Dapat impressive,” sambit ni Nietes sa bisperas ng kanyang unang laban sa United States. “Kailangang mapabagsak ko agad siya (Alejo).”
Kung magiging matagumpay ay maaari nang mag-isip ang longest-reigning Filipino world champion ng malaking bagay, isa na rito ang pag-akyat sa flyweight division.
“Tingnan natin,” wika ni Nietes, nagdadala ng 36-1-4 win-loss-draw ring record kasama ang 21 knockouts.
Ito ang magiging pang-walong pagdedepensa ni Nietes sa kanyang hawak na korona na pipiliting agawin ni Alejo ((21-3-0, 13 KOs).
Tumimbang si Nietes ng 107.8 lbs, habang si Alejo, dalawang pulgada ang tangkad sa Filipino champion, ay may bigat na 107.4 lbs sa kanilang weigh-in.
Sa undercard ay isusugal ni Albert Pagara (24-0-0, 17 knockouts), ang kanyang IBF Inter-Continental super bantamweight belt kontra kay Nicaraguan William Gonzales.
Makakaharap ng kanyang kapatid na si Jason Pagara si Santos Benavides ng Nicaragua, habang makakalaban ni Mark Magsayo si Yardley Suarez ng Mexico.
Samantala, tatangkain ni Fil-Am Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria (36-4-0, 22 KOs) na agawin kay Roman ‘Chocolatito’ Gonzalez (43-0-0, 37 KOs) ang hawak nitong World Boxing Council flyweight belt ngayon sa Madison Square Garden sa New York City.