CARSON, California--Nagharap ang mga boksingero at handang-handa nang magrambulan para sa Pinoy Pride 33: Philippines vs the World dito sa StubHub Center.
Tiningnan ni Donnie Nietes, ang tanging reigning Filipino world champion, ang kanyang Mexican challenger na si Juan “Pinky” Alejo sa press conference kahapon dito sa Carson Civic Center.
Nakaharap din nina Albert Pagara, Mark Magsayo at Jason Pagara ang kanilang mga kalaban mula sa Nicaragua at Mexico sa unang pagkakataon.
“It’s time. It’s showtime,” sabi ng 33-anyos na si Nietes, itataya ang kanyang WBO light-flyweight crown laban kay Alejo.
Isasalang din ni Nietes ang kanyang reputasyon bilang longest reigning Pinoy champion.
Simula noong 2007 ay nanatiling world champion ang tubong Negros Occidental at hindi pa natatalo sapul noong 2004 kung saan siya naglista ng 21 sunod na panalo.
Ayon kay Alejo, ang lahat ng ito ay kanyang aagawin kay Nietes.
Pumalakpak naman si Alejo mula sa kanyang kinauupuan nang ipakilala si Nietes sa press conference.
“I know Nietes is a complete boxer and he’s one of the best. But I’m also ready to put up a good fight for twelve rounds,” wika ng Mexican.
Samantala, itataya ni Albert Pagara, may 24-0-0 (17 knockouts), ang kanyang IBF Inter-Continental super-bantamweight crown laban kay Nicaraguan William Gonzales.
Lalabanan naman ng kanyang kapatid na si Jason Pagara si Santos Benavides ng Nicaragua, habang makakatapat ni Mark Magsayo si Yardley Suarez ng Mexico.