Laro Ngayon (Bahrain National Stadium)
11 p.m. (Manila time) Bahrain vs Philippines
MANILA, Philippines – Ipapakita ng Philippine Azkals na kaya nila ang Bahrain sa ikalawang pagtutuos sa FIFA World Cup qualifiers ngayon sa Bahrain National Stadium.
Ang larong ito ang simula ng second round sa home-and-away kompetisyon sa Group H at hanap ng dayong Nationals ang maulit ang 2-1 panalo na nailista sa Bahrain sa unang laro sa Group H noong Hunyo 11 sa Pilipinas.
Mataas ang morale ng tropa ni coach Thomas Dooley dahil nahiritan nila ng scoreless draw ang North Korea na ginawa sa Pyongyang noong Oktubre 8.
Nasa ikatlong puwesto ang Pilipinas taglay ang pitong puntos sa 2-1-1 win-draw-loss baraha at kasunod ng North Korea na may 10 puntos (3-1-0) at Uzbekistan na may siyam na puntos (3-0-1).
Ang Bahrain ay mayroon lamang tatlong puntos na nakuha sa isang panalo at tatlong talo pero hindi puwedeng magkumpiyansa ang Azkals dahil magpupumiglas ang home team para hindi mapahiya sa mga manonood.
“This is an important battle for us. They have a chance to take third place and they will come after us like any game,” wika ni Dooley sa makakatunggali.
Dahil magkadikit ang away games na hinarap ng Azkals kaya’t hindi na isinabak sa mahirap na pagsasanay ni Dooley ang mga manlalaro kungdi ikinokondisyon na lamang niya ang isipan ng bawat Azkals para maging handa sa makakalaban.