MANILA, Philippines – Sa nangyayaring negosasyon sa pagitan ni Bob Arum ng Top Rank Promotions at sa kanyang kampo, kumpiyansa si British star Amir Khan na mangyayari ang kanilang laban ni Manny Pacquiao sa 2016.
“I think it’s 75 percent,” sambit ni Khan sa tsansa na maitatakda ang kanilang banggaan ng dati niyang sparmate na si Pacquiao.
Isang laban na lamang ang gagawin ni Pacquiao (57-6-2, 38 KOs) sa susunod na taon bago sumabak sa kampanya para sa puntiryang puwesto sa Senado.
Ilang beses nang naging sparmates sina Pacquiao at Khan (31-3-0, 19 KOs) sa ilalim ni chief trainer Freddie Roach.
Ayon kay Khan, nasa pangangalaga ngayon ni trainer Virgil Hunter, handa na niyang harapin ang Filipino world eight-division champion.
“Pacquiao is a fight I would like to have because styles make fights. Pacquiao and I used to train and spar together,” wika ni Khan.
“We are friends but sometimes friends have to fight each other. I think it can happen. It’s all about just doing the little things, contracts and stuff,” dagdag pa nito.
Nauna nang inamin ni Arum na kinakausap na niya ang kampo ni Khan para sa posibleng laban nito kay Pacquiao sa Abril ng 2016.
“I have left it to my team. They are taking care of it. It will be a good fight for me,” wika pa ni Khan.
Bukod kay Khan, ang iba pang maaaring labanan ni Pacquiao ay sina bagong World Boxing Council light welterweight titlist Victor Postol (28-0-0, 12 KOs), Kell Brook (35-0-0, 24 KOs) at Terence Crawford (25-0-0, 17 KOs).