FIBA nagbabala sa Pilipinas kung ‘di lalahok sa Olympic qualifier

MANILA, Philippines – Wala pang desisyon sa pagpapataw ng FIBA ng kaparusahan kung hindi lalahok ang isang bansa sa isa sa tatlong Olympic qualifying tournaments na nakatakda sa tatlong magkakaibang bansa sa Hulyo 5-10, 2016 na magdedetermina sa sisikwat sa huling tatlong tiket sa 2016 Rio de Janeiro Olympics.

Ngunit nahaharap sa penalty ang bansang aatras sa pagpartisipa nang walang lehitimong dahilan.

Sinabi ni FIBA communications director Patrick Koller na “should a national team fail to participate, FIBA may decide that disciplinary sanctions be applied on the relevant national federation or federations.”

Tatlong beses nang nasuspinde ng FIBA ang Pilipinas. Noong 1963 ay pinarusahan ng FIBA ang Pilipinas dahil sa hindi pagpayag na makapasok ang Yugoslavia at iba pang Communist countries para sumali sa World Cup.

Tumanggi ang Pilipinas na mag-isyu ng visa kaya binawi ng FIBA ang hosting rights ng Manila bilang kaparusahan.

Nakuhang muli ng Manila ang hosting rights ng World Cup noong 1978.

Ang gulo naman sa liderato ng Basketball Association of the Philippines (BAP), dating kinikilala ng FIBA bilang national federation, ang nagresulta sa suspensyon noong 2001.

Ito ay matapos labanan nina Tiny Literal at Graham Lim sina Lito Puyat at Freddie Jalasco para sa pamamahala sa BAP.

Noong 2005 ay muling nasuspinde ang bansa dahil sa pagsibak ng POC sa BAP bilang isang NSA.

Tumagal ang suspensyon hanggang noong 2007 kung saan nabuo ang SBP bilang bagong national federation.

Sinabi ni SBP vice chairman Ricky Vargas na hindi niya alam ang posibleng sanction mula sa FIBA.

Nauna nang inihayag ni SBP executive director Sonny Barrios na nakatakdang ihayag nina SBP president Manny V. Pangilinan at Vargas ang kanilang desisyon kung sasali o hindi sa hosting ng Olympic qualifier kung saan maaaring makalaro ang Gilas Pilipinas.

Ang pagsali sa Olympic qualifier ay nangangahulugan ng pagpapalakas sa Gilas squad dahil sa mas mabibigat na mga kalaban kumpara sa nakaraang FIBA Asia Championships sa Changsha.

Ang minimum bid para pamahalaan ang isang Olympic qualifying tournament ay  P91.4 milyon.

Ang mga bansang maglalaro sa Olympic qualifiers ay ang New Zealand mula sa Oceania, Angola, Tunisia at Senegal buhat sa Africa, Canada, Mexico at Puerto Rico galing sa Americas, France, Serbia, Greece, Italy at Czech Republic mula sa Europe at ang Pilipinas, Iran at Japan buhat sa Asia.

Show comments