MANILA, Philippines - Magpipilit makabangon ang National University sa kabiguan, samantalang tatargetin ng Adamson University ang kanilang unang back-to-back wins.
Lalabanan ng nagdedepensang Bulldogs ang bumubulusok na Red Warriors ng University of the East ngayong alas-4 ng hapon matapos ang bakbakan ng Falcons at Fighting Maroons ng University of the Philippines sa second round ng 78th UAAP men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kasalukuyang magkasosyo ang Far Eastern University at ang University of Sto. Tomas sa magkatulad nilang 6-1 record kasunod ang La Salle (4-3), Ateneo (4-3), NU (3-4), UP (2-5), UE (2-5) at Adamson (1-6).
Matapos ang 0-3 panimula ay tatlong sunod na panalo ang sinakmal ng Bulldogs bago napahinto ng Tamaraws sa bisa ng 61-59 panalo noong nakaraang Miyerkules.
Nang iposte naman ang 2-1 baraha ay nahulog ang Red Warriors sa apat na sunod na kamalasan, ang huli ay nang yumukod sa Tigers, 76-83.
Sa unang laro, pupuntiryahin ng Falcons ang kanilang ikalawang dikit na panalo sa pagharap sa Fighting Maroons.
“We have 11 rookies, so ang sabi ko sa kanila, tiyaga-tiyaga lang at makakabulag din kami,” sabi ni rookie coach Mike Fermin, pumalit kay Kenneth Duremdes sa bench ng Adamson, matapos ang kanilang 73-68 panalo sa UP.
Sa naturang panalo ay humugot si second-year swingman Jerome Garcia ng 19 sa kanyang career-high na 26 points sa first half nang iniwanan ng Falcons ang Fighting Maroons, 47-28.
Mula naman sa 2-0 baraha ay nahulog ang UP sa kanilang limang sunod na kabiguan.