12 imports sa PSL Grand Prix wala nang problema
MANILA, Philippines - Walang magiging problema ang mga imports na maglalaro sa Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix na magbubukas sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
Ito ay dahil ang 12 imports ay mayroon ng International Transfer Certificate (ITC) na ipinag-uutos ng FIVB para sa mga dayuhang manlalaro.
Masusing sinusunod ito ng PSL dahil ang liga ay binibigyan ng basbas ng international volleyball federation mula pa ng itinatag ito noong 2013.
“We are now sanctioned and in full compliance with one of the main requirement of the FIVB for the third consecutive year after completing the processing of the ITC of all our imports,” wika ni Suzara.
Pinasalamatan din ni Suzara ang suportang ibinibigay ng Larong Volleyball ng Pilipinas Inc. (LVPI).
Si Lynda Morales na kasapi ng Puerto Rico national team ay darating ngayon para makumpleto na ang mga dayuhan na magpapalakas sa anim na koponang kasali sa liga.
Makakasama ni Morales si Sara McClinton para sa RC Cola-Air Force. Sina Liis Kullerkann at Christina Alessi ang tutulong sa Meralco habang ang iba pang imports ay sina Rupia Inck at Erica Adachi ng Petron, Bojana Todorovic at Alexis Olgard ng Philips Gold, Katie Messing at Lindsay Stalzer ng Foton at Amanda Anderson at Ariel Usher ng Cignal.
Ang Petron na siyang nagdedepensang kampeon at pakay ang ikatlong sunod na PSL title ay sasalang agad bukas laban sa Cignal matapos ang opening ceremony sa ganap na alas-12 ng tanghali.
- Latest