MANILA, Philippines - Itinakda sa Enero ang eleksyon para sa bagong pangulo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).
Nagpulong kahapon ang SBP board sa PLDT office sa Makati City sa pangunguna ng pangulong si Manny V. Pangilinan at kumilos ang grupo para masunod ang Konstitusyon and By-Laws ng samahan patungkol sa halalan ng mga opisyales.
Ang termino ni MVP at 12 iba pang board members ay napaso na noon pang Pebrero 25 pero ipinagpatuloy nila, sa kagustuhan din ng body, ang paninilbihan dahil naging abala pa ang SBP sa isinagawang FIBA World Cup bidding at ang paghahanda ng Pambansang koponan sa FIBA-Asia Men’s Championship sa Changsa, China.
Hindi naman makakatakbo pa ang businessman/sportman sa pampanguluhan dahil nakasaad sa batas ng SBP na hanggang dalawang termino lamang puwedeng manilbihan ang isang pangulo ng samahan.
“I told the board that they should respect the rules which I myself have draft way back in 2006. I don’t what to be violating the rules which I have craft,” wika ni Pangilinan sa pulong pambalitaan.
Hindi naman siya nag-endorso ng tao na puwedeng pumalit sa kanya pero nakikita niya na maraming puwede sa puwesto na mas bata at puno ng ideya kung paano ipagpapatuloy ang tagumpay na tinamasa ng bansa sa mga nakalipas na taon.
Kredito kay Pangilinan ang dalawang silver medals na nakuha sa 2013 at 2015 FIBA Asia Men’s Championship bukod sa pagpasok ng Pilipinas sa 2014 World Cup na huling nangyari noon pang 1978 nang ang bansa ang tumayong host ng kompetisyon.
Bilang pagkilala sa mga nagawa ni MVP ay nagkaisa rin ang board na magtatag ng posisyong ‘Chairman Emeritus’ na ibibigay sa papaalis na pangulo ng SBP.
Wala mang kapangyarihan, tiniyak pa ni Pangilinan na patuloy niyang susuportahan ang mga programa sa basketball ng bansa sa mga susunod pang mga taon.