MANILA, Philippines – Bukod sa Cuneta Astrodome sa Pasay City ay dadalhin din ang mga aksyon ng 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix sa San Juan Arena para bigyan ng pagkakataon ang mga panatiko ng women’s volleyball sa nasabing lugar.
Ang ligang sasalihan ng anim na koponan at pinalakas sa pagkuha ng mga de-kalibreng imports ay magbubukas na sa Sabado sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna na isa sa apat na out-of-town games na gagawin sa season-ending conference.
Double-round ang classification round at magkakaroon ng liga ng 20 playdates at kung masagad ang best-of-three finals series ay sa Disyembre 5 magsasara ang kompetisyon.
Siyam na laro ang gagawin sa San Juan Arena, habang ang regular na palaruan na Cuneta Astrodome ay mayroong pitong laro kasama ang Finals series.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay dadalhin din ang aksyon sa Malolos, Bulacan sa Nobyembre 7, sa La Salle, Lipa sa Batangas sa Nobyembre 14 at sa SBMA Gym sa Subic, Zambales sa Nobyembre 21.
Ayon kay PSL president Ramon “Tats” Suzara, ginawa ito ng liga para mapagbigyan ang ibang manonood na masilayan nang live ang mga manlalaro.
Ang Petron ang siyang mangunguna sa mga kasali at pakay nila ang matagumpay na pagdepensa sa titulong napanalunan noong nakaraang taon.
Kung mangyari ito ay makukuha rin ng Lady Blaze Spikers ang pangatlong sunod na titulo matapos pagreynahan din ang All-Filipino Conference.
Tiniyak ng team captain ng Petron na si Maica Morada na handa silang harapin ang hamon lalo pa’t tumatag ang kanilang paglalaro nang katawanin ang bansa sa nakaraang 2015 AVC Asian Women’s Club Championship sa Phy Ly, Vietnam.