DOHA, Qatar – Hindi hinayaan ni light flyweight Rogen Ladon na makasilip ng tsansang manalo si Leandro Blanc ng Argentina.
Dinomina ni Ladon si Blanc para sa una niyang panalo sa World Boxing Championships at Olympic Qualifiers dito sa Ali Bin Hamad Al Attiya Arena.
Muling idinisplay ni Ladon ang kanyang istilong ginawa sa nakaraang Asian Championships sa Bangkok, Thailand para talunin si Blanc, isang World Series of Boxing (WSB) veteran.
Maagang inilunsad ni Ladon ang kanyang atake sa matapos kumonekta ng mga kombinasyon sa ulo at katawan ni Blanc.
“Medyo matigas din at malakas ang kaliwa pero nu’ng makuha ko na ang timing ko, alam ko na paano ko siya patatamaan,” sabi ng tubong Bago City.
Umiskor si Ladon ng magkakatulad na 30-26 puntos sa tatlong rounds mula sa mga judges ng Belarus, Lithuania at Trinidad & Tobago.
Makakasagupa ni Ladon sa second round ng eliminasyon ang No. 1 seed na si Joselito Velazquez Altamirano ng Mexico.
Maliban sa 21-anyos na si Ladon, ang isa pang nakapasok sa torneo sa bisa ng kanilang nakamit na silver medal sa nakaraang Asian Championships, ay ang 19-anyos na si welterweight Eumir Felix Marcial.
Sa kanya namang press conference ay inihayag ni AIBA president Ching Kuo Wu na tinanggap ni Manny Pacquiao ang kanyang imbitasyon.