George umiskor ng 32 points sa preseason win ng Pacers
AUBURN HILLS, Mich. – Humugot si Paul George ng 20 sa kanyang 32 points sa first quarter at nalampasan ng Indiana Pacers ang iniskor na 26 markers ni rookie Stanley Johnson para kunin ang 115-112 panalo laban sa Detroit Pistons sa kanilang preseason game.
Tumipa si George, halos hindi nakalaro sa nakaraang season matapos mabalian ng binti, ng anim na sunod na 3-pointers sa opening quarter.
Nilisan naman ni guard George Hill ang laro sa second quarter nang magkaroon ng sprained ankle.
Susunod na lalabanan ng Pacers ay ang Orlando Magic sa Huwebes.
Kumamada si Kentavious Caldwell-Pope ng 22 points mula sa kanyang 6-of-7 shooting sa 3-point line para sa Piston.
Nakatakdang labanan ng Detroit ang Brooklyn Nets.
Sa Chicago, nagtala sina Jimmy Butler at Doug McDermott ng tig-23 points para igiya ang Bulls sa 105-95 panalo laban sa Milwaukee Bucks.
Ito ang unang laro ng bagong Chicago coach na si Fred Hoiberg.
Nagposte si Butler ng 7-of-12 fieldgoal clip sa loob ng 25 minutong paglalaro, habang iniskor ni McDermott ang kanyang 23 markers sa second half buhat sa 8-for-14 shooting matapos ang 0-of-5 sa first half.
Nagdagdag si Nikola Mirotic ng 18 points at 8 rebounds para sa Bulls.
Hindi naglaro para sa Chicago sina Derrick Rose (left orbital fracture) at Pau Gasol.
Sa Dallas, tumipa si rookie Emmanuel Mudiay ng siyam sa kanyang 17 points sa fourth quarter para ihatid ang Denver Nuggets sa 96-86 panalo laban sa Mavericks.
Naglista rin si Mudiay, ang first-round draft pick ng Nuggets, ng 5 assists.
Kumayod naman si Joffrey Lauvergne ng 11 sa kanyang 14 points sa first quarter kung saan kinuha ng Nuggets (1-1) ang 30-16 abante.
Kumolekta si Kenneth Faried ng 10 points at 10 rebounds para sa Denver, habang umiskor sina Gary Harris at ex-Maverick Jameer Nelson ng tig-12 points.
Hindi naglaro si Dirk Nowitzki para sa Mavericks.
Sa Memphis, naglista si Russ Smith ng 12 points, habang nagdagdag ng tig-11 sina Jeff Green at Courtney Lee para tulungan ang Grizzlies sa 92-89 panalo kontra sa Houston Rockets.
Nag-ambag si Brandan Wright ng 10 points mula sa 4-of-6 shooting.
Pinamunuan naman ni Trevor Ariza ang Rockets sa kanyang 12 points kasunod ang 11 ni James Harden at 10 ng bagong hugot na si Ty Lawson.
- Latest