MANILA, Philippines – Maliban sa mga mahuhusay na imports ay makikisalo rin sa atensyon ang mga Fil-Foreigners na hinugot ng mga maglalarong koponan sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix na magbubukas sa Sabado sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
Nangunguna na rito si Lindsay Dowd na naglaro sa US NCAA Division school ng University of California-Davis na kasama ng Philips Gold.
Ang 5-foot-9 setter ang hahalili sa puwestong iniwan ng isa pang Fil-Am setter na si Iris Tolenada na bumalik sa US para sa kanyang coaching career.
Matapos ang collegiate career ay nabiyayaan si Dowd na makapaglaro sa VBC Fribourg sa Switzerland at ang kanyang karanasan ang siya niyang gagamitin para makatulong sa Philips Gold na kinuha rin sina Boajan Todorovic ng University of California-Los Angeles at Alexis Olgard ng University of Southern California.
Isa pang Fil-Am na magpapasikat ay si Kayla Williams na naglaro para sa Grambling State University na isa ring NCAA Division 1 team.
May taas na 5’10, nakapaglaro na rin si Williams sa Latvia, Bahamas at Russia at naimbitahan ding maglaro sa Jamaican national team pero mas pinili ng Fil-Am ang makapaglaro sa Pilipinas na ang mga lolo at lola ay dito nagmula.
“Maliban sa mga mahuhusay na imports ay maglalaro rin sa ang mga mahuhusay na Fil-Ams para mas lalong tumaas ang lebel ng kompetisyon,” ani PSL president Ramon”Tats Suzara. (AT)