Bulldogs sasagupa sa Tamaraws para sa rematch ng UAAP Finals

MANILA, Philippines –  Hangad ng Far Eas­tern University at ng Univer­sity of Sto. Tomas na manatili sa itaas ng team standings, habang tar­get ng National University ang kanilang ikaapat na sunod na ratsada.

Lalabanan ng Tamaraws ang nagdedepensang Bulldogs sa kanilang Fi­nals rematch ngayong alas-4 ng hapon matapos ang bakbakan ng Tigers at ng University of the East Red Warriors sa alas-2 sa 78th UAAP men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.

Kasalukuyang magkasosyo sa liderato ang FEU at UST sa magkatulad ni­lang 5-1 record kasunod ang La Salle (4-3), Ateneo (4-3), NU (3-3), University of the Philippines (2-5), UE (2-5) at Adamson (1-6).

Umiskor ang Tamaraws ng 64-60 panalo laban sa Falcons noong Setyembre 27 na tinampukan ng krusyal na three-pointer ni Mike Tolomia sa huling 41.8 segundo ng laro.

“Inconsistent pa rin ka­mi,” reklamo ni FEU coach Nash Racela.

Matapos naman ang 0-3 panimula ay tatlong sunod na panalo ang kinuha ng Bulldogs, ang huli ay la­ban sa Fighting Maroons, 68-52, noong Setyembre 27.

Nanggaling naman ang Tigers sa 77-61 paggiba sa Green Archers noong Setyembre 30 kung saan sila nagpaulan ng pitong three-point shots sa third period.

Nagbida sa 29-13 pro­duksyon ng UST sa natu­rang yugto sina Louie Vigil at Kyle Suarez, habang hu­mugot naman si Kevin Ferrer ng 12 sa kanyang 17 points sa final canto.

Humakot si Karim Abdul ng 13 points, 13 rebounds at 3 steals at nag-ambag si Ed Daquiaog ng 11 mar­kers para sa Es­paña-based cagers.

“Maraming nag-step­ped up. Total team effort ta­laga,” ani coach Bong De­la Cruz.

Show comments