Twice-to-beat nakataya sa banggaan ng Lions, Knights

MANILA, Philippines - Paglalabanan ng San Beda Red Lions at Letran Knights ang twice-to-beat advantage sa pagkikita ng dalawa sa 91st NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Ang laro ay matutunghayan dakong alas-4 ng gabi at ang Red Lions ay nasa must-win upang hindi na dumaan sa posibleng playoff para sa mahala­gang insentibo sa semifinals.

May 12-5 karta ang 5-time defending champion Red Lions at ang laban na ito ay ka­nilang hu­ling laro. Kung matalo sila ay puwede silang matablahan ng Arellano Chiefs, Jose Rizal University Heavy Bombers at Perpetual Help Altas na pare-parehong may 11-6 karta sa ngayon.

Sa kabilang banda, ang Knights ay may 12-4 baraha at may isa pang laro matapos ang Red Lions para magkaroon pa ng isang tsansang makuha ang incentive na ibibigay sa dalawang mangungunang koponan.

“We are playing for our survival and we must take this win,” wika ni San Beda coach Jamike Jarin na hiniya ng Chiefs sa huling laro, 72-91.

Hindi rin paaawat ang Knights na makuha ang tagumpay para makatiyak na ng insentibo.

Sina Mark Cruz, Kevin Racal at Rey Nambatac ang mga aasahan niya para maisantabi ang laro nina Arthur dela Cruz, Baser Amer at Ola Adeogun.

Bago ito ay magtatangka rin ng mahalagang panalo ang Mapua Cardinals at Chiefs sa mga talsik ng mga katunggali.

Kalaban ng host Cardinals ang St. Benilde Blazers sa ganap na alas-12 ng tanghali at hanap ang ika-11th panalo para gumanda ang tsansa sa Final Four.

Ang Chiefs ay makikipagsukatan sa Emilio Aguinaldo College Generals dakong alas-4 ng hapon at playoff ang nakataya kung sila ay manalo.

Show comments